Checkup ng Batang Walang Sakit: 12 Buwan

Sa checkup sa ika-12 buwan, susuriin ng tagapangalaga ng kalusugan ang iyong anak at kukumustahin ang mga kaganapan sa bahay. Binibigyan ka ng checkup na ito ng magandang pagkakataon upang magtanong tungkol sa emosyonal at pisikal na pag-unlad ng iyong anak. Magdala ng listahan ng iyong mga tanong sa appointment upang matiyak na napagtuunan ang lahat ng iyong alalahanin.

Inilalarawan ng pahinang ito ang ilang maaari mong asahan.

Pag-unlad at mga tagumpay

Maliit na batang lalaking naglalakad na may mga laruan.
Sa edad na ito, maaaring gawin ng iyong sanggol ang kanyang mga unang hakbang. Bagama't maaaring gawin ng ilang sanggol ang kanilang mga unang hakbang kapag sila ay mas bata at ang ilan kapag sila ay mas matanda.

Magtatanong ang tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa iyong anak. Oobserbahan niya ang iyong anak na paslit upang magkaroon ng ideya tungkol sa pag-unlad ng bata. Sa pagbisitang ito, malamang na ginagawa ng iyong anak ang ilan sa mga sumusunod:

  • Umaangat upang tumayo

  • Nakapag-iikot habang nakakapit sa sopa o iba pang kagamitan sa bahay (kilala bilang “cruising”)

  • Nakahahakbang nang mag-isa

  • Inilalagay ang mga bagay sa isang lalagyan at inilalabas ang mga ito

  • Ginagamit ang hintuturo at hinlalaki sa paghawak ng maliliit na bagay

  • Nagsisimulang maintindihan ang iyong sinasabi

  • Nagsasabi ng “Mama” at “Dada”

Mga payo sa pagpapakain

Sa edad na 12 buwan, normal para sa isang bata na kumain ng 3 pagkain at kaunting meryenda bawat araw. Kung ayaw kumain ng iyong anak, ayos lang iyon. Magbigay ng pagkain sa oras ng pagkain, at kakain ang iyong anak kung at kapag nagugutom siya. Huwag pilitin ang bata na kumain. Upang matulungan ang iyong anak na kumain nang mabuti:

  • Unti-unting bigyan ang bata ng whole milk sa halip na gatas ng ina o formula. Kung ikaw ay nagpapasuso, magpatuloy o huminto kapag handa ka na o ang iyong sanggol. Ngunit simulan ding bigyan ang iyong anak ng whole milk. Kailangan ng iyong anak ang dietary fat sa whole milk para sa wastong pag-unlad ng utak. Bigyan ng whole milk ang mga paslit mula sa edad 1 hanggang 2 taon.

  • Gawing pangunahing pinagmumulan ng sustansiya ng iyong anak ang matitigas na pagkain. Isipin na inumin ang gatas, hindi isang buong pagkain.

  • Magsimulang palitan ng sippy cup ang bote para sa lahat ng inumin. Planuhing ihinto ang iyong anak sa pag-inom sa bote sa edad na 15 buwan.

  • Huwag bigyan ang iyong anak ng mga pagkaing maaari siyang mabulunan. Karaniwan ito sa mga pagkaing halos kasukat at kahugis ng lalamunan ng bata. Kabilang sa mga ito ang mga bahagi ng hot dog at longanisa, matitigas na kendi, mani, buong ubas, at hilaw na gulay. Itanong sa tagapangalaga ng kalusugan ang tungkol sa iba pang mga pagkaing dapat iwasan.

  • Sa edad na 12 buwan, ayos lang na bigyan ang iyong anak ng pulot-pukyutan.

  • Tanungin ang tagapangalaga ng kalusugan kung kailangan ng iyong sanggol ng mga suplementong fluoride.

Mga payo sa kalinisan ng katawan

  • Kung mayroon nang ngipin ang iyong anak, marahan itong sipilyuhin nang dalawang beses man lang sa isang araw tulad ng pagkatapos mag-almusal at bago matulog. Gumamit ng kaunting fluoride toothpaste na hindi mas malaki sa butil ng bigas. Gumamit ng sipilyo para sa sanggol na may malalambot na bristle. 

  • Itanong sa tagapangalaga ng kalusugan kung kailan dapat ang unang pagbisita ng iyong anak sa dentista. Inirerekomenda ng karamihan sa mga dentista ng bata na dapat mangyari ang unang pagbisita sa dentista sa loob ng 6 na buwan pagkatapos lumitaw ng unang ngipin sa gilagid, ngunit hindi lalampas sa unang kaarawan ng bata. 

Mga payo sa pagtulog

Sa ganitong edad, posibleng iidlip ang iyong anak nang humigit-kumulang 1 hanggang 3 oras bawat araw, at matutulog nang 10 hanggang 12 oras sa gabi. Kung natutulog ang iyong anak nang higit o mas kaunti dito ngunit mukhang malusog, hindi ito dapat ikabahala. Upang tulungang matulog ang iyong anak:

  • Sanayin ang bata sa paggawa ng parehong mga bagay bawat gabi bago matulog. Nakatutulong sa iyong anak ang pagkakaroon ng rutina sa pagtulog kapag oras na para matulog. Subukang panatilihin ang parehong oras sa pagtulog at rutina bawat gabi.

  • Huwag patulugin ang iyong anak nang mayroong anumang maiinom.

  • Ilagay ang kutson ng kuna sa pinakamababang setting ng kuna. Iniiwas nito ang iyong anak mula sa pagbangon at pag-akyat o pagkahulog mula sa kuna. Kung nakaaakyat pa rin ang iyong anak palabas ng kuna, ilagay ang kutson sa sahig sa isang kuwarto na ligtas sa bata. Alisin ang frame ng kuna mula sa kuwarto ng iyong anak. Magtanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan para sa mga payo tungkol sa pagiging ligtas ng lugar ng tulugan ng iyong anak. 

  • Kung problema ang pagpapatulog sa bata sa buong gabi, humingi ng payo sa tagapangalaga ng kalusugan.

Mga payong pangkaligtasan

Habang nagiging mas malikot na ang iyong anak, mahalaga na bantayan siyang mabuti. Palaging alamin kung ano ang ginagawa ng iyong anak. Maaaring mangyari ang aksidente sa isang iglap. Upang mapanatiling ligtas ang iyong sanggol: 

  • Gawing ligtas para sa mga bata ang inyong bahay. Kung hinihila ng iyong paslit ang mga kagamitan sa bahay o gumagabay (nakapag-iikot sa pamamagitan ng pagkapit sa mga bagay), tingnan kung nakatali o nakakabit sa pader ang malalaking kagamitan gaya ng mga aparador at TV. Kung hindi, maaari matumba ang mga ito sa iyong sanggol. Ilipat ang anumang gamit na maaaring makasakit sa bata sa lugar na hindi niya maaabot. Alamin ang mga gamit na maaaring hilahin ng iyong anak tulad ng mantel o kurdon. Suriin ang kaligtasan ng anumang lugar na namamalagi ang iyong sanggol.

  • Protektahan ang iyong paslit mula sa pagkahulog. Gumamit ng matitibay na screen sa mga bintana. Maglagay ng mga gate sa itaas at ibaba ng mga hagdanan. Subaybayan ang iyong anak sa hagdanan.

  • Huwag hayaan ang iyong sanggol na makahawak ng anumang maliit na bagay na maaaring makasamid sa kanya. Kabilang dito ang mga laruan, matitigas na pagkain, at mga bagay sa sahig na maaaring makita ng sanggol habang gumagapang o gumagabay. Bilang tuntunin, maaaring makasamid sa sanggol ang isang bagay na napakaliit na kasya sa loob ng toilet paper tube.

  • Sa kotse, palaging paupuin ang iyong anak sa car seat na nasa upuan sa likod. Dapat paupuin ang mga sanggol at paslit sa car safety seat na nakaharap sa likuran hangga’t maaari. Ibig sabihin, hanggang sa maabot nila ang pinakamataas na timbang at taas na pinapayagan sa kanilang upuan. Tingnan ang mga tagubilin para sa iyong safety seat. Mayroong mga limit sa taas at timbang ang karamihan sa mga convertible safety seat na nagpapahintulot sa iyong mga anak para sumakay nang nakaharap sa likuran para sa 2 taon o higit pa.

  • Ituro ang kaligtasan sa hayop. Sa ganitong edad, maraming sanggol ang mausisa sa mga aso, pusa, at iba pang mga hayop. Turuan ang iyong anak na maging maamo at maingat sa mga hayop. Palaging bantayan ang mga bata sa paligid ng mga hayop, kahit na sa mga kilalang alaga ng pamilya. Huwag kailanman hayaan ang iyong anak na lumapit sa hindi kilalang aso o pusa.

  • Itago itong numero ng telepono ng Poison Control sa isang lugar na mabilis makita, tulad ng refrigerator: 800-222-1222.

Mga bakuna

Batay sa mga mungkahi mula sa CDC, maaaring makuha ng iyong anak ang mga sumusunod na bakuna sa pagbisitang ito:

  • Haemophilus influenzae type b

  • Hepatitis A

  • Hepatitis B

  • Trangkaso (flu)

  • Tigdas, beke, at rubella

  • Pneumococcus

  • Polio

  • Bulutong-tubig o chickenpox (varicella)

Pagpili ng sapatos

Maaaring naglalakad na ang iyong 1 taong gulang na anak. Ito na ang oras para bumili ng magandang pares ng sapatos. Narito ang ilang payo:

  • Kunin ang tamang sukat. Humingi ng tulong sa tauhan sa pagsusukat ng mga paa ng iyong anak. Huwag bumili ng sapatos na masyadong malaki, para “kalakhan” ng iyong anak. Mas mahirap maglakad kapag hindi kasya ang sapatos.

  • Humanap ng mga sapatos na mayroong malambot, at nababaluktot na suwelas.

  • Huwag bumili ng sapatos na may mataas na bukung-bukong at yari sa matigas na balat. Maaaring maging hindi maginhawa ang mga ito. Ginagawa nitong mas mahirap para sa iyong anak na maglakad.

  • Pumili ng mga sapatos na madaling isuot at hubarin, ngunit hindi aksidenteng mahuhubad sa mga paa ng iyong anak. Magagandang pamimilian ang moccasin o sneaker na may panara na Velcro.  

© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.